Thursday, June 28, 2012

Linkin Park's Living Things




Ang sabi nila, na ang Pinoy ay natural na mahilig sa musika. Siguro tama sila, dahil likas sa atin ang may magandang tinig. Isang angking galing na namana pa natin sa ating mga ninuno. Na lalu pa nating pinaigting sa paglipas ng panahon. Sa ating bagong henerasyon, ay marami na sa ating mga kababayan ang unti unti ng nakikilala sa iba’t ibang bansa. Kahit sa anong klase ng musika o tugtugin mo isabak ang Pinoy, siguradong aangat tayo, mapa love song o rock and roll ay kaya nating kantahin.

Ako, personally ang gusto ko ay rock and roll at ikinagagalak kong ibalita na naglabas na ulit ng bagong album ang isa sa mga paborito kong banda, ang Linkin Park. Sa mga hindi nakaka kilala sa kanila, nakakalungkot mang sabihin, hindi kayo ang ka batch ko. Dahil sila ang isa sa mga mahuhusay na musikero sa makabagong panahon. Ang mga awitin nila ang sumasabuhay sa modernong sitwasyon na kinakaharap ng mga tao sa ngayon. Oo, maingay ang mga kanta nila, halos makabasag baso ang kanilang mga birit, dahil iyan ang kanilang istilo.

Ang ingay ay hindi raw musika sabi ng mga matatanda na nasanay makinig sa mga kundiman noong panahon ng Hapon. Wala akong masasabing masama sa ating kundiman, dahil ito ay sariling atin, pero ang pag uusapan natin ngayon ay ang tipo kong tugtugin, rock and roll at ang bandang Linkin Park.

Ang Linkin Park ay nabuo noong taong 1996, labing anim na taon na ang nakakalipas. Bihira sa mga banda ang umaabot ng ganitong katagal, kahit na ang pinaka sikat na banda na katulad ng The Beatles, ay tumagal lang ng sampung taon. Ooops, hindi ko po sila pinaghahambing, magkaibang mundo po ang kanilang ginagalawan, at magkaiba po sila ng panahon. Ang banda ay binubuo nina Rob Bourdon, Brad Delson, Dave “Phoenix” Farrell, Joe Hahn, Mike Shinoda at Chester Bennington.

Ikinagagalak kong ibalita na naglabas na po ulit ng bagong studio album ang Linkin Park, na ang pangalan ay Living Things. Ang album pong ito ay maaari ng bilhin noong June 20 pa, at ang una nilang awitin ay pinamagatang Burn It Down. Kung gusto ninyong mapakinggan at mapanood ang kanilang music video, bisitahin lang po ninyo ang Youtube.com (http://www.youtube.com/watch?v=dxytyRy-O1k) sa ngayon ito po ay nakaka ipon na ng walong milyong hits, na ibig sabin ay marami na ang nakapanood sa kanila.


Ang album ay binubuo ng labing dalawang magagandang awitin, na gigising sa inaantok mong isipan at muling magbabalik sigla sa matamlay mong buhay. Siguro kaya nga tinawag itong Living Things, ay dahil ang buong mensahe ng kanilang mga kanta ay nagmula sa iba’t ibang karanasan nila sa nakalipas na dalawang taon na sila ay pansamantalang namatay, dahil hindi na sila nakapag katha ng mga bagong awitin ngunit heto na sila ngayon, buhay na buhay. At sinama nila tayo sa kanilang muling pag angat, upang harapin ang mga bagong pagsubok sa buhay.

No comments: