Monday, July 16, 2012

“Ron Viejo” (“old rum”)


“Isang tagay nga dyan,” ang siguradong masasabi mo kapag napakinggan mo ang mga kanta ni Rumer sa kanyang bagong album na “Boys Don’t Cry.” Dahil sadyang nakakalasing sa ganda ang kanyang mga kanta. Magbabalik tanaw ka sa inyong kabataan, mga alaala noong nauso pa ang mga kanta nito, na orihinal na inawit noong 1970s ng mga kalalakihan. Sadyang nakakagaan ng loob, nakaka relax ika nga. Para kang nasa bar at may solo artist na kumakanta habang sinasabayan mo ng pag inom na swabeng serbesa. Pampa alis ng stress pagkatapos ng walong oras na pagta trabaho sa opisina.

Kung ikaw ay nasa edad na 42 ngayon, malamang naabutan mo si Karen Carpenter noong ikaw ay teen ager pa lamang. Kaya kapag napakinggan mo si Rumer ay siguradong maaalala mo siya, dahil magkaboses silang dalawa. Pero kung hindi mo kilala si Karen Carpenter, malamang kilala siya ng mga magulang mo. At kung nag iisip ka na magandang pang regalo sa kanila, maiirekomenda ko sa iyo na bilhan mo sila ng album ni Rumer. Sigurado akong magugustuhan nila ito, at kahit ikaw ay maiimpluwesyahan ng kanyang mga kanta.

Sabi nga nila na ang kanta ay para ring damit, na dating nauso sa panahon ng ating mga tito at tita ay muling bumabalik sa makabagong panahon ngayon. Kaya siguro ang mga mang aawit na tulad ni Rumer ay kinakanta na lamang ulit ang mga ito para matutunan natin mahalin sa makabagong panahon ang kanilang mga sariling bersyon. Aaminin ko, nagtagumpay si Rumer sa kanyang magandang hangarin na tangkilikin ang mga kanta noong nakaraang henerasyon. Dahil kung minsan, nakakaligtaan natin na hindi lamang ang mga awitin ng The Beatles and Elvis Presley lang ang mga kanta noong araw, meron pang iba.

Tama, sigurong ihambing ang awit sa isang alak na kapag tumatagal ay lalong sumasarap pakinggan. Ang nakakatuwang isipin, na halos lahat ng mga awitin ni Rumer ay higit na mas matanda pa sa kanya. Na malamang napakinggan lamang niya ang mga orihinal na bersyon noong siya ay lumalaki pa lamang. Kaya sadyang kahanga hanga, na tayong mga tagapakinig niya ay kasama niyang nagbalik sa nakaraan.

May labing anim na kanta ang kanyang album, mula sa misteryong buhay ni “P.F. Sloan”; sa nagpapaalam na “It Could Be The First Day”; sa nagmamakaawa na “Be Nice To Me”; sa broken hearted na “Travelin’ Boy”; sa mag taong umaasa ng ginhawa sa kabila ng hirap sa lugar na kung tawagin ay “Soulsville”; sa mga taong nabigo sa pag-ibig ang binabanggit naman sa “The Same Old Tears On A New Background”; ngiti palang ay kikiligin ka na sa “Sara Smile”; at sa mga gustong maglakbay gamit ang mga “Flyin’ Shoes.”

Para naman sa mga mahal natin sa buhay na nasa ibang bansa, siguradong luluha ka sa “Home Thoughts From Abroad”; sa mga taong gustong makalimot bagay ang kantang “Just For A Moment”; kwento ng buhay pamilya naman sa “Brave Awakening”; at sa iba pang mga natitirang kanta “We Will,” “Andre Johray,” “Soul Rebel,” “My Cricket,” at “A Man Needs A Maid” ay siguradong malalasing ka sa kanyang mga awitin. Kaya inuulit ko, isang tagay pa nga, Rumer.

No comments: