Saturday, July 14, 2012

Skyworld




                Bago pa naimprenta ang libro na iyong binabasa, o bago pa naimbento ng tao ang internet para mabasa mo ito. Ang mga kwento ng ating mga ninuno ay napasalin salin na nagmula pa sa unang henerasyon hangang sa kasalukuyan. Ang istorya ng mga nilalang na hindi natin nakikita, ngunit kung ating pakikiramdaman ay maaari nasa tabi lang natin sila. Kahit sa mga oras na ito, ay kasama mo silang nagbabasa. Magulat ka, kung bigla na lang may magpakita sa iyo at sabihing tama ako. Ang tawag natin sa kanila ay mga engkanto, na sa palagay mo ay mga kathang isip lamang sila. Sana nagkakamali ka.

                Ngayong araw na ito, ako ay pinalad na makabasa muli ng isang libro, tungkol sa kanila, ang tinutukoy ko ay walang iba kung hindi ang “Skyworld,” na likha nina Mervin Ignacio at Ian Sta. Maria. Hindi ko sasabihin sa inyo ang istorya, dahil ang gusto ko ay bumili kayo ng kopya. Huwag kayong magtanong sa mga nakabasa na, dahil baka magkamali sila ng sasabihin tungkol dito. Mas mabuti pang kayo na lang mismo ang tumuklas, dahil doon ninyo malalaman ang katotohanan. Hayaan ninyo na lang akong patikimin kayo ng mga kaunting bagay tungkol dito.

                Una sa lahat, hindi ito ang mga kwento na nabasa ninyo sa paaralan noong kayo ay nasa elementarya pa, o napanood sa inyong telebisyon. Magbabago ang inyong pananaw tungkol sa mga kweto na sinabi sa inyo ng inyong mga lolo at lola tuwing kayo ay nagbabakasyon sa probinsya. Isa itong makabagong pagsasalin ng mga alamat para sa modernong henerasyon. Dahil ang mga kabataan ngayon ay nabaling na ang interest sa kultura ng ibang bansa dulot ng mga makabagong teknolohiya na punung puno ng impormasyon. Kaya tayo na ngayon mismo ang nagiging dayuhan sa sariling kultura.


                Komiks, ang presentasyon na ginamit para isalarawan ang kwento ng “Skyworld,” tugma sa mga taong tamad magbasa ng makakapal na nobela at mahilig manood ng mga teleserye. Ang mahusay na pagguhit ni Ian Sta. Maria sa lahat ng mga karakter na gumanap sa kwentong ito ay sadyang kamang mangha. Na maipagmamalaki natin kumpara sa mga dayuhang artist mula sa DC at Marvel comics. Ang mga eksena ay parang buhay na buhay, mga mabilisang galaw ng kanilang pagsasagupaan ay detalyadong nakuha ng mga mahuhusay na kamay ng pintor.

                Ang mga alamat at kasaysayan ng ating lipunan ay mahusay na pinag isa ng makilhaing imahinasyon ni Mervin Ignacio. Kakaiba sa regular na kwento na nababasa natin sa mga komiks, tulad ng mga taong may mga angking kapangyarihan dahil sa mga taglay na anting-anting o dulot ng siyensiya. At pagliligtas sa mga babaeng minamahal nila mula sa kapahamakan sa ilalim ng mga kamay na kanilang mga mortal na kaaway. Kaya dapat mong basahin para inyong malaman kung paano niya pinagtagpi tagpi ang dalawang magkaibang mundo ng realidad at pantasya.

                Nakakatuwang isipin na ito ay hinati sa dalawang libro, dahil sigurado akong mapipilitan kang komplituhin ito. Dahil nais mong malaman ang magiging katapusan ng kanyang kasaysayan. Maraming mga pagpipilipit ng mga eksena na makapag papa igting sa iyo na basahin mong mabuti ang mga pahina. Dito ko muling nabasa ang kwento na maaring ikwento ko hindi lang sa inyo, kung hindi na rin sa mga apo ko balang araw. Maniwala kaya sila sa akin, hindi ko alam…kayo maniniwala ba kayo?