Wednesday, July 18, 2012

Inspektor Spektor




Marunong ka bang magpatugtog ng piano? At kumanta ng sabay? Kung hindi, wala kang panama kay Regina Spektor. Bihira sa larangan ng musika na ang mang aawit ay marunong magpatutog ng instrumento at kumanta ng sabay. Ibahin mo si Regina sa kanyang pang anim na album na pinamagatang “What We Saw from the Cheap Seats.”

Hulaan mo kung saan siya nakaupo, na pinaparating ng titulong ito. Ang sa tingin ko, naka upo siya sa harapan ng kanyang piano, dahil para sa akin, iyon ang pinakamurang upuan sa loob ng isang tanghalan, ang lahat ay binabayaran ng manonood maliban sa upuan sa entablado.

Ang mga kanta niya ay hindi sumusunod sa regular at traditional na mga awitin na nilalapatan ng piano. Kung sa rock and roll ay may tinatawag na alternative dahil hindi ito tulad ng mga ordinaryong kanta na iyong naririnig. Ganoon din ang mga paraan ng pagpapatugtog niya, ang tawag sa istilo niya ay anti-folk.

Kung nagsasawa ka na sa mga gasgas at paulit ulit na pagkanta at pagtugtug ng piano. Ang mai papayo ko sa iyo ay subukan mong pakinggan ang mga kanta ni Regina Spektor:

“Small Town Moon” (2:59) – ay puno ng galit, pero mahinahon pa rin mong mapapakinggan ito. “Oh Marcello” (2:37) – ang pangalan ng walang kwentang lalaki na inabandona ang babaeng nabuntis niya.

“Don’t Leave Me (Ne me quitte pas)” (3:37) – ang pangalawang single, malungkot ang mensahe pero masaya ang tugtuging ito, hindi mo ito mapapansin dahil sa kaaya ayang bilis ng tiempo. “Firewood” (4:52) – na ang piano mo ay hindi pa panggatong, dahil patuloy ka pa ring tutugtog.

“Patron Saint” (3:38) – na ang turong pinaniwalaan niya, tunay na pag-ibig ay totoo, pero siya ay bigo. “How” (4:45) – ang pinakamadalas na katanungan, kung paano gagawin ang mga bagay na dapat itama alang alang sa pag-ibig.

“All the Rowboats” (3:34) – ang unang single, anti-museum ang kanyang gustong iparating, na dapat ang mga instrumentong naka exhibit ay hindi dapat itago at sa halip ay kailangang patugtugin. “Ballad of a Politician” (2:13) – para sa papalapit na eleksyon, ito ang dapat patugtugin sa mga oras ng kampanya. Bakit kaya? Pakinggan mo para malaman mo.

“Open” (4:28) – hulaan mo kung sino ang tinutukoy sa kantang ito, napalaging nakabukas palad para sa iyo. “The Party” (2:25) – ito ang klaseng tao na masarap kasama sa buhay, dahil tanging dala niya ay kaligayan.

“Jessica” (1:45) – Hindi ko siya kilala, pero ang munting kantang ito ay alay para sa kanya. Kaya hayaan na ninyo ialay ko ang munting sulat na ito para sa iyo, sana ay pumasa Inspektor.

Monday, July 16, 2012

“Ron Viejo” (“old rum”)


“Isang tagay nga dyan,” ang siguradong masasabi mo kapag napakinggan mo ang mga kanta ni Rumer sa kanyang bagong album na “Boys Don’t Cry.” Dahil sadyang nakakalasing sa ganda ang kanyang mga kanta. Magbabalik tanaw ka sa inyong kabataan, mga alaala noong nauso pa ang mga kanta nito, na orihinal na inawit noong 1970s ng mga kalalakihan. Sadyang nakakagaan ng loob, nakaka relax ika nga. Para kang nasa bar at may solo artist na kumakanta habang sinasabayan mo ng pag inom na swabeng serbesa. Pampa alis ng stress pagkatapos ng walong oras na pagta trabaho sa opisina.

Kung ikaw ay nasa edad na 42 ngayon, malamang naabutan mo si Karen Carpenter noong ikaw ay teen ager pa lamang. Kaya kapag napakinggan mo si Rumer ay siguradong maaalala mo siya, dahil magkaboses silang dalawa. Pero kung hindi mo kilala si Karen Carpenter, malamang kilala siya ng mga magulang mo. At kung nag iisip ka na magandang pang regalo sa kanila, maiirekomenda ko sa iyo na bilhan mo sila ng album ni Rumer. Sigurado akong magugustuhan nila ito, at kahit ikaw ay maiimpluwesyahan ng kanyang mga kanta.

Sabi nga nila na ang kanta ay para ring damit, na dating nauso sa panahon ng ating mga tito at tita ay muling bumabalik sa makabagong panahon ngayon. Kaya siguro ang mga mang aawit na tulad ni Rumer ay kinakanta na lamang ulit ang mga ito para matutunan natin mahalin sa makabagong panahon ang kanilang mga sariling bersyon. Aaminin ko, nagtagumpay si Rumer sa kanyang magandang hangarin na tangkilikin ang mga kanta noong nakaraang henerasyon. Dahil kung minsan, nakakaligtaan natin na hindi lamang ang mga awitin ng The Beatles and Elvis Presley lang ang mga kanta noong araw, meron pang iba.

Tama, sigurong ihambing ang awit sa isang alak na kapag tumatagal ay lalong sumasarap pakinggan. Ang nakakatuwang isipin, na halos lahat ng mga awitin ni Rumer ay higit na mas matanda pa sa kanya. Na malamang napakinggan lamang niya ang mga orihinal na bersyon noong siya ay lumalaki pa lamang. Kaya sadyang kahanga hanga, na tayong mga tagapakinig niya ay kasama niyang nagbalik sa nakaraan.

May labing anim na kanta ang kanyang album, mula sa misteryong buhay ni “P.F. Sloan”; sa nagpapaalam na “It Could Be The First Day”; sa nagmamakaawa na “Be Nice To Me”; sa broken hearted na “Travelin’ Boy”; sa mag taong umaasa ng ginhawa sa kabila ng hirap sa lugar na kung tawagin ay “Soulsville”; sa mga taong nabigo sa pag-ibig ang binabanggit naman sa “The Same Old Tears On A New Background”; ngiti palang ay kikiligin ka na sa “Sara Smile”; at sa mga gustong maglakbay gamit ang mga “Flyin’ Shoes.”

Para naman sa mga mahal natin sa buhay na nasa ibang bansa, siguradong luluha ka sa “Home Thoughts From Abroad”; sa mga taong gustong makalimot bagay ang kantang “Just For A Moment”; kwento ng buhay pamilya naman sa “Brave Awakening”; at sa iba pang mga natitirang kanta “We Will,” “Andre Johray,” “Soul Rebel,” “My Cricket,” at “A Man Needs A Maid” ay siguradong malalasing ka sa kanyang mga awitin. Kaya inuulit ko, isang tagay pa nga, Rumer.

Saturday, July 14, 2012

Skyworld




                Bago pa naimprenta ang libro na iyong binabasa, o bago pa naimbento ng tao ang internet para mabasa mo ito. Ang mga kwento ng ating mga ninuno ay napasalin salin na nagmula pa sa unang henerasyon hangang sa kasalukuyan. Ang istorya ng mga nilalang na hindi natin nakikita, ngunit kung ating pakikiramdaman ay maaari nasa tabi lang natin sila. Kahit sa mga oras na ito, ay kasama mo silang nagbabasa. Magulat ka, kung bigla na lang may magpakita sa iyo at sabihing tama ako. Ang tawag natin sa kanila ay mga engkanto, na sa palagay mo ay mga kathang isip lamang sila. Sana nagkakamali ka.

                Ngayong araw na ito, ako ay pinalad na makabasa muli ng isang libro, tungkol sa kanila, ang tinutukoy ko ay walang iba kung hindi ang “Skyworld,” na likha nina Mervin Ignacio at Ian Sta. Maria. Hindi ko sasabihin sa inyo ang istorya, dahil ang gusto ko ay bumili kayo ng kopya. Huwag kayong magtanong sa mga nakabasa na, dahil baka magkamali sila ng sasabihin tungkol dito. Mas mabuti pang kayo na lang mismo ang tumuklas, dahil doon ninyo malalaman ang katotohanan. Hayaan ninyo na lang akong patikimin kayo ng mga kaunting bagay tungkol dito.

                Una sa lahat, hindi ito ang mga kwento na nabasa ninyo sa paaralan noong kayo ay nasa elementarya pa, o napanood sa inyong telebisyon. Magbabago ang inyong pananaw tungkol sa mga kweto na sinabi sa inyo ng inyong mga lolo at lola tuwing kayo ay nagbabakasyon sa probinsya. Isa itong makabagong pagsasalin ng mga alamat para sa modernong henerasyon. Dahil ang mga kabataan ngayon ay nabaling na ang interest sa kultura ng ibang bansa dulot ng mga makabagong teknolohiya na punung puno ng impormasyon. Kaya tayo na ngayon mismo ang nagiging dayuhan sa sariling kultura.


                Komiks, ang presentasyon na ginamit para isalarawan ang kwento ng “Skyworld,” tugma sa mga taong tamad magbasa ng makakapal na nobela at mahilig manood ng mga teleserye. Ang mahusay na pagguhit ni Ian Sta. Maria sa lahat ng mga karakter na gumanap sa kwentong ito ay sadyang kamang mangha. Na maipagmamalaki natin kumpara sa mga dayuhang artist mula sa DC at Marvel comics. Ang mga eksena ay parang buhay na buhay, mga mabilisang galaw ng kanilang pagsasagupaan ay detalyadong nakuha ng mga mahuhusay na kamay ng pintor.

                Ang mga alamat at kasaysayan ng ating lipunan ay mahusay na pinag isa ng makilhaing imahinasyon ni Mervin Ignacio. Kakaiba sa regular na kwento na nababasa natin sa mga komiks, tulad ng mga taong may mga angking kapangyarihan dahil sa mga taglay na anting-anting o dulot ng siyensiya. At pagliligtas sa mga babaeng minamahal nila mula sa kapahamakan sa ilalim ng mga kamay na kanilang mga mortal na kaaway. Kaya dapat mong basahin para inyong malaman kung paano niya pinagtagpi tagpi ang dalawang magkaibang mundo ng realidad at pantasya.

                Nakakatuwang isipin na ito ay hinati sa dalawang libro, dahil sigurado akong mapipilitan kang komplituhin ito. Dahil nais mong malaman ang magiging katapusan ng kanyang kasaysayan. Maraming mga pagpipilipit ng mga eksena na makapag papa igting sa iyo na basahin mong mabuti ang mga pahina. Dito ko muling nabasa ang kwento na maaring ikwento ko hindi lang sa inyo, kung hindi na rin sa mga apo ko balang araw. Maniwala kaya sila sa akin, hindi ko alam…kayo maniniwala ba kayo?

Monday, July 9, 2012

Corrine May’s “Crooked Lines"



Hayaan ninyo ako, na isulat sa ibang paraan kung paano ko pupurihin ang isang magandang album mula sa isang dayuhan na ang pangalan ay Corrine May. Tama, hindi natin siya kalahi, ngunit ang mensahe ng kanyang mga awitin ay tugma sa ating kulturang mapagmahal sa anak, ina, kapwa at higit sa lahat sa Poong Maykapal…

“In My Arms”
                Ang wika ng Ina sa kanyang Anak,
                Habang ito ay kanyang yakap yakap,
                Mahimbing na pinapatulog,
                Kasabay ng pag awit ng pagmamahal.

“Lazarus”
                Si Hesus ang nagwiwika,
                Banal ang kanyang mga salita,
                Opo, tama ka, ikaw nga,
                Ikaw si Lazarus, ang kausap niya.

“24 Hours”
                Paano kung bilang na ang mga oras mo?
                Ano ang mga gagawin mo?
                Nakalimutan mo na ba ito (na hindi ka immortal)?
                Kaya gamitin mong wasto.

“Beautiful Life”
                Nakikita ng Ina sa kanyang Anak na ang buhay ay 
                maganda,
                Ang pagiging inosente ng isang bata,
                Na sa maliliit na bagay ay nakapagpapaligaya na,
                At nagpapaalala na habang may buhay ay may pag asa.

“Crooked Lines”
                Ang buhay ng tao ay hindi tulad ng tuwid na guhit,
                Minsan ito ay bumabaluktot,
                Dahil tayo ay nagkakamali at nagkakasala,
                Ngunit salamat sa Poong Maykapal dahil ito pa rin ay 
                Kanyang tinutuwid.

“You Believed”
            Ikaw ay magtiwala,
Dahil hindi ka Niya pababayaan,
Ikaw ay manalangin,
Dahil ikaw ay Kanyang sasagutin.
               
“When I Close My Eyes”
                Napapangitan ka ba sa iyong mga nakikita?
                Ipikit mo ang iyong mga mata,
                At sa panalangin mo makikita,
                Na ang Poong Maykapal ay iyong kasama.

“Pinocchio”
                Ikaw ba ay isang manika,
                Na naliligaw ng landas,
                Hindi mo alam kung saan papunta,
                Pauwi ng iyong tahanan, Pinocchio.
               
“Just What I Was Looking For”
                Ano ang iyong hinahanap? Nakita mo na ba?
                Gamitin ang isip, para malaman ang tama,
                Gamitin ang puso, para maramdaman ang ligaya,
                Gamitin pareho, para makapiling mo Siya.

“Because of Love”
                Ng dahil sa pag-ibig,
                May dalagitang maagang naging ina,
                Ngunit hindi siya nagsisisi,
                Dahil ang sanggol ay mahal niya.

“Your Song”
                Ano ang maiaalay mo sa Kanya?
                Ano ang maibibigay mo sa iyong kapwa?
                Yaman at buhay ay iyo bang kaya
                Na ibigay at isakripisyo para sa iba?

“Sight of Love”
                Saan mo makikita ang pagmamahal?
                Makikita mo ba ito sa isang tao?
                Na sa punong kahoy ay nakapako,
                At ang kanyang buhay ay sinakripiso para sa iyo.

“If You Ask”
                Marami ka bang tanong sa iyong sarili?
                At hindi mo alam kung ano ang kasagutan,
                Huwag kang mag alala at lumapit ka lang sa Kanya,
                Dahil lahat ng problema mo ay mawawala.

          Hayaan po ninyo na ang aking mga munting tula ang maging inspirasyon para po ninyo tangkilikin ang mga kanta ni Corrine May. 

Maraming Salamat Po.

Saturday, July 7, 2012

Ang Nuno


Ang Nuno

Ang pangalan niya ay si "Datu Biga"
Ang Puno noong panahon ng Kastila,
Siya rin ang Ang Nuno ng unang pamilya,
Na dito sa burol nakatira.

Mga dayuhan "conquistador" ay pumunta,
Sa iyong munting barangay ay bumisita,
Dahil sa likas na yamang ganda,
Na biyaya ni Bathala.

Sa pagbalik sa kanilang kuta,
Sa kanilang mga kasama,
Tinanong kung saan sila nagpunta,
"Ang Nuno," ang sagot nila.

Doon nagmula,
Ang alamat niya, 
Na ang lugar na may angking ganda,
Na ngayon, ay ang bayan ng Angono nakilala.

Thursday, June 28, 2012

Linkin Park's Living Things




Ang sabi nila, na ang Pinoy ay natural na mahilig sa musika. Siguro tama sila, dahil likas sa atin ang may magandang tinig. Isang angking galing na namana pa natin sa ating mga ninuno. Na lalu pa nating pinaigting sa paglipas ng panahon. Sa ating bagong henerasyon, ay marami na sa ating mga kababayan ang unti unti ng nakikilala sa iba’t ibang bansa. Kahit sa anong klase ng musika o tugtugin mo isabak ang Pinoy, siguradong aangat tayo, mapa love song o rock and roll ay kaya nating kantahin.

Ako, personally ang gusto ko ay rock and roll at ikinagagalak kong ibalita na naglabas na ulit ng bagong album ang isa sa mga paborito kong banda, ang Linkin Park. Sa mga hindi nakaka kilala sa kanila, nakakalungkot mang sabihin, hindi kayo ang ka batch ko. Dahil sila ang isa sa mga mahuhusay na musikero sa makabagong panahon. Ang mga awitin nila ang sumasabuhay sa modernong sitwasyon na kinakaharap ng mga tao sa ngayon. Oo, maingay ang mga kanta nila, halos makabasag baso ang kanilang mga birit, dahil iyan ang kanilang istilo.

Ang ingay ay hindi raw musika sabi ng mga matatanda na nasanay makinig sa mga kundiman noong panahon ng Hapon. Wala akong masasabing masama sa ating kundiman, dahil ito ay sariling atin, pero ang pag uusapan natin ngayon ay ang tipo kong tugtugin, rock and roll at ang bandang Linkin Park.

Ang Linkin Park ay nabuo noong taong 1996, labing anim na taon na ang nakakalipas. Bihira sa mga banda ang umaabot ng ganitong katagal, kahit na ang pinaka sikat na banda na katulad ng The Beatles, ay tumagal lang ng sampung taon. Ooops, hindi ko po sila pinaghahambing, magkaibang mundo po ang kanilang ginagalawan, at magkaiba po sila ng panahon. Ang banda ay binubuo nina Rob Bourdon, Brad Delson, Dave “Phoenix” Farrell, Joe Hahn, Mike Shinoda at Chester Bennington.

Ikinagagalak kong ibalita na naglabas na po ulit ng bagong studio album ang Linkin Park, na ang pangalan ay Living Things. Ang album pong ito ay maaari ng bilhin noong June 20 pa, at ang una nilang awitin ay pinamagatang Burn It Down. Kung gusto ninyong mapakinggan at mapanood ang kanilang music video, bisitahin lang po ninyo ang Youtube.com (http://www.youtube.com/watch?v=dxytyRy-O1k) sa ngayon ito po ay nakaka ipon na ng walong milyong hits, na ibig sabin ay marami na ang nakapanood sa kanila.


Ang album ay binubuo ng labing dalawang magagandang awitin, na gigising sa inaantok mong isipan at muling magbabalik sigla sa matamlay mong buhay. Siguro kaya nga tinawag itong Living Things, ay dahil ang buong mensahe ng kanilang mga kanta ay nagmula sa iba’t ibang karanasan nila sa nakalipas na dalawang taon na sila ay pansamantalang namatay, dahil hindi na sila nakapag katha ng mga bagong awitin ngunit heto na sila ngayon, buhay na buhay. At sinama nila tayo sa kanilang muling pag angat, upang harapin ang mga bagong pagsubok sa buhay.